Thursday, August 28, 2014

Sagot sa Disaster



"Nasagot mo lahat, 'no?"

Nginitian ko lang ang ang aking kaklase. Siyempre naman nasagutan ko ang lahat. Dapat lang masagot ko ang lahat. Nag-aaral ako, di ba? Lahat naman kami ay nag-aaral, di ba?

Nakahinga ako ng maluwag nang makalabas na kami sa gusali ng College of Social Work. Ang sarap talaga dito sa puno. Hindi gaano marami ang mga halaman sa paligid pero okey na 'to. Haay, na-mimiss  ko na ang baryo namin sa probinsya at ang sariwang hangin.

Sabagay, puwede ko siyang tawagin at ililipad niya kaagad ako papunta doon. Pero hindi!

Buti na lang maramig puno at halaman sa unibersidad na ito. Puwede akong magpantasya na wala ako sa lungsod at sa mapolusyong hangin ng Metro Manila.

Wala dapat ikatakot si Lola Asay na magiging masamang impluwensya sa akin ang umalis sa aming baryo. Meron kayang simbahan sa malapit! Matatakot lang na lapitan ako ng mga masamang impluwensya.

May tatlong oras pa ako bago ang susunod na subject. Punta muna ako ng dorm para mag-aral. Maglalakad na lang ako kaysa sumakay ng jeep. Malapit lang naman  at saka exercise din 'yun.

000ooo000ooo000ooo000

"Nandyan na ako."

Kinuha ko uli ang aking bag at samu't saring folders. Kailangang bumalik uli ako sa CSW. Wala pa nga akong 10 minutes sa dorm. Ano kaya ang problema sa aming org?

Ba't ba wala pang jeep? Kung wala, maglalakad uli ako. Ah, heto na.

"Pasalamat ka may jeep na dumaan kaagad sa dorm," sabi ko sa aking ka-org. Kakakita ko lang sa kanya mga 30 minutes ang nakakalipas nung nagklase kami at binigyan kami ng surprise quiz na may kasamang essay questions.

"Buti nandito ka. Maga-outreach ang org sa Bulacan bukas at sa Linggo. Wala pang visual aids para dito. Tulungan mo akong gumawa."

"Ng visual aids, mga slides sa Powerpoint? Hindi ako ganun kadunong," sabi ko.

"Okey lang. Hindi naman puwedeng gumamit ng computer doon, e. Mahirap ang kuryente. Gagamit na lang tayo ng manila paper o kartolina. O lumang kalendaryo. Heto ang mga pentel pens."

"Asan ang mga susulatan?" tanong ko habang tumitingin sa paligid. Inipon ko ang mga manila paper at lumang kalendaryo. May nakita rin akong libro na tungkol sa disaster preparedness.

"Tungkol ba dito ang gagawin yung isusulat natin? Anong page?" tanong ko.

Pagkalipat ko sa tamang page, hinanda ko ang mga manila paper para sulatan. "Pati 'to?" turo ko sa mga diagram na nasa page.

"Sa akin na lang 'yan," sabi niya. "Pahingi ng manila paper."

Mga isang oras din naming binuno ang mga visual aids. Nakita ko na may mga fasteners, scotch tape at paper clips kaya pinagsama-sama ko ang mga nagamit na manila paper para madaling iligpit at gamitin sa outreach.

"Wow!" bulalas ng taga-org ko. "Napaka-efficient mo naman. Isa ka talagang tagapagligtas."

"Tagapagligtas ka dyan," balik ko sa kanya.

"Parang halos superwoman ka na nga, e," sabi niya. "Ang galing mo sa klase tapos lagi ka pang handang tumulong dito sa org natin. Kulang na lang meron kang malaking gold agimat na may pakpak dito sa noo. Kung may red na bathing suit, pwede ka nang lumipad."

"Lumipad, ha-ha," balik ko habang nililigpit ko ang mga ginamit para sa visual aids. Medyo hindi ko na gusto ang pinupuntahan ng usapan namin. Nasa mukha ko yata ang aking pagkabalisa dahil iniba na niya ang usapan.

"Second year ka palang dito sa unibersidad, di ba? Di ba umuuwi ka sa probinsiya tuwing June? Saan nga ba 'yon?"

"Baryo Masambong, sa may Albay," balik ko. "Maraming delubyo ang nangyayari doon sa loob ng isang taon."

"At puputok pa yata ang Mayon sabi sa news."

"Oo nga. Kaya nga gusto ko sanang maging sociologist, para matulungan ko naman ang gobyerno sa disaster response."

"Hmm-" biglang nag-ring ang aking celfone.

"Hello, Ding? Napatawag ka. Problema? Sandali lang," tinakpan ko ang cell at tumingin sa aking kaklase. "Sorry, kailangan kong sagutin ito e. Kapatid ko."

"Okey lang," balik niya. "Tapos na naman tayo dito e. Sige, bye, library ako."

"Bye," sabi ko at binaling ko na naman ang aking atensyon sa cell. "Ding?"


-End-

No comments:

Post a Comment