"Mukhang uulan, ha," puna ni Juan habang
tumitingin siya sa labas ng kanilang bintana. Parang mga hinog na bungang-kahoy
ang mga ulap, kung halimbawang bilugin ang mga bungang-kahoy ang nasa isip mo.
At kung halos nangingitim na ang mga bunga dahil sa sobrang hinog. Sa
kaiisip ng mga bungang-kahoy, medyo
nanunuyo na ang bunganga ni Juan at nararamdaman niya ng kumukulo ang kaniyang
tiyan.
Patuloy ang tingin ni Juan sa labas ng kanilang bahay nang
may narinig siyang lagabog. Galing yun
sa bubong namin, isip ni Juan at may narinig uli siyang lagabog na sinundan ng
parang may nabasag, doon uli sa dakong bubungan nila. Papunta na sana siya sa
pangalawang palapag ng kanilang bahay nang narinig niyang pumapatak na ang ulan
sa labas ng kanilang bahay. Malalaki pa
ang mga patak, puna niya at tumingin uli sa labas ng kanilang bintana.
Doon niya napansin na kakaiba ang mga pumapatak na ulan. Tiningnan niya itong
mabuti. Palayok? Maliliit ngang mga palayok! Ang kakaibang ulan ay pumapatak na
sa paligid ng kanilang bahay at may mga basag-basag palayok na naka-kalat sa
paligid. Halos hindi na siya makapag-isip sa ingay ng pagbagsak ng mga ito sa
bubungan ng kanilang bahay. Maingay na sumilong ang kanilang mga aso, alagang
baboy at mga manok, para hindi na sila tamaan pa. Ngunit ang kanilang mga
silungan at mga bakod ay nanganganib na masira kung magpapatuloy na babagsak ang
mga palayok. Naisip ni Juan na lumabas
ng bahay upang itama ang bakuran ng kanilang babuyan na natumba dahil sa ulan.
Iniisip niyang kailangang dagdagan ang mga kahoy ng bakod at medyo natayo niya
na nga ito, nang tinamaan siya sa ulo ng isa sa mga palayok. Diretsong tumba si
Juan sa putikan. Huling naiisip niya habang dumudilim na ang kanyang diwa sa
harap ng mga baboy na nakatingin sa kaniya sa putikan: Aray!
Biglang nagising si Juan sa kaniyang pagkakatulog sa tapat
ng TV. Marahil lampas na ng alas-dose ng gabin dahil wala nang makita sa TV
kundi static. Pinatay ito ni Juan habang hinihimas-himas ang tuktok ng kaniyang
ulo. Nakatulog na naman ako, isip niya, at saka kakaiba ang aking panaginip.
Umuulan ng palayok? Anong ibig sabihin 'nun? tanong niya sa sarili. Inisip niya
ang kaniyang mga napanood sa TV at sa pelikula sa nakalipas na linggo, dahil
baka iyon ang naka-impluwensiya sa kaniyang panaginip. Umiling na lang siya
dahil wala siyang maiisip na makabuluhang eksena. Dahan-dahan lumakad si Juan
pauntang hagdanan at pumunta sa kaniyang silid para doon ipagpatuloy ang
pagtulog.
000ooo000
"Juan? Juan!" sigaw ni Mr. Madlang-awa sabay katok
ng malakas sa pintuan papuntang silid ng kaniyang anak. Mahilig talagang
matulog ng kanyang anak, isip niya. Tama ngang tawagin siyang Juan Tamad.
"Juan! Alas-onse na ng umaga. Galit na ang nanay mo't
di ka pa kumaain."
Nasa salas naman si Mrs. Madlang-awa at nagsusulsi ng mga
medyas at wala namang makikita sa kanyang mukha kahit maliit na bahid ng galit.
Napangiti nga siya nang marinig niyang binaggit ng kanyang asawa ang kanyang
pangalan. Sanay na siyang maging panakot para sa kanilang anak.
Tumigil na rin sa pagkatok at pagsigaw si Mr. Madlang-awa.
Malamang nagising na rin si Juan. Maya't maya ay bumukas na ang pinto ng
kaniyang silid at lumabas si Juan na nakatayo ang buhok at hindi lubos na
naibubukas ang mga mata. Dumiretso siya sa palikuran at sinara ang pinto nun.
Lampas 10 minuto rin siya doon kaya pagbukas ng pinto, "Nakatulog ka
diyan, ano?" tanong ni Mrs. Madlang-awa.
"Muntik lang, nay," sagot ni Juan. Humalakhak ang
mag-asawa pero totoo ang sinabi ng kanilang anak. Muntik lang siyang nakatulog,
sa harap ng salamin habang nagsisipilyo at habang naka-upo siya sa trono.
"May bibilhin ako sa palengke," sabi ni Mrs.
Madlang-awa habang pababa si Juan sa hagdan. "Samahan mo ako, anak."
"Palengke? Yung dyan lang?" sagot ni Juan.
"Magdadrive ba o lalakad lang po tayo?"
"Lakad lang. Konti lang bibilhin ko," ani Mrs.
Madlang-awa.
Dumiretso si Juan sa kape. Inabot rin niya ang supot ng
tinapay at peanut butter. "Opo," sabi niya.
Pagkatapos ng ilang minuto, nagsalita na naman ang kaniyang
nanay. "Kelangan na nating umalis. Wala pa tayong tanghalian."
"Hindi pa nga ako tapos mag-almusal," angal ni
Juan.
"Kasalanan mo yan," sabi ni Mrs. Madlang-awa
habang nilalagay niya ang sinulsing medyas sa basket at pinasok niya ang
ginamit na karayom at sinulid sa lalagyan nito. "Ngayon ka lang
nagising."
Nagmadaling sinubo ni Juan ang dalawang pandesal at
kumaripas sa kaniyang silid para magbihis.
000ooo000
Tiningnan ni Juan sa kalangitan habang bumibili ang kanyang
nanay ng gulay. Kangkong, sitaw, gabi. Mukhang alam ko ang balak ni nanay
lutuin mamaya, isip ni Juan. Konti lang din ang mga ulap at napaka-asul ng
langit. Walang senyas ng kahit anong sama ng panahon, isip niya. Medyo
napakunot ang kanyang noo.
Nakatapos ng mamili si Mrs. Madlang-awa saka niya napansin
na nakatingala si Juan. Pinagtitinginan na angh kaniyang anak ng mga tao sa
paligid, pero halatang kinikilig ang ibang mga dalagitang nakatingin dahil
maya't maya'y sila'y nagbubulungan at nagtatawanan nang pakubli. Gwapo yata ang
anak ko, isip ng mabuting ina, at matangkad pa.
"Hoy, Juan!" tawag niya sa anak dahil mga limang
minuto na, hindi pa rin binababa ang ulo. "Manigas nga ang leeg mo
dyan."
"Akk!" sabi ni Juan nang binaba ang tingin.
"Tulungan mo nga ako ditto. Kunin mo yung basket,"
utos ng nanay. "Uwi na tayo."
000ooo000ooo
Pagdating nila sa kanilang tahanan, diretso si Mrs.
Madlang-awa sa kusina pero nanatili si Juan sa labas ng bahay. Tiningnan niya
ang kulungan ng mga baboy. Kailangan nga ng marami pang kahoy para sa bakod,
isip niya. Maya-maya'y napansin niyang tumatakbo si Mang Tano sa labas ng
kanilang bakod.
"Mang Tano!" tawag ni Juan. "Bakit kayo
tumatakbo?"
"Juan, patawad, nagmamadali ako, e," sabi ni Mang
Tano.
Lumabas si Juan ng bakod at tumakbo para maabutan si Mang
Tano. "Ano po ba ang nangyari?" tanong niya habang sinasabayan sa
pagtakbo si Mang Tano.
"Nawawala daw ang anak nina Dagul. Yung maliit pa, si
Mike-Mike. Naglalaro lang daw sa loob ng bahay nila, tapos namalayan na lang
nina Dagul, e, wala na siya."
"Di kaya nasa ibang bahagi ng bahay nila? O nasa
kapitbahay," tanong ni Juan.
"Hindi, naghanap na sila sa buong bahay. At saka tinanong
na nila ang mga kapitbahay, pati na ang kanilang mga kamag-anak na nakatira sa
malapit. May nakakita raw na may nag-anyayang kalaro at pumunta sa direksyon na
tinatahak natin ngayon."
"Pumunta sila sa peryahan," ang kongklusyon ni
Juan.
"Yan rin ang naisip ko," sabi ni Mang Tano.
Pagkalampas nila ng kantong tinutuldukan ng puno ng tsiko,
tumambad sa kanila ang malaking loteng kinatatayuan ng peryahan.
Tanghaling tapat kaya animo itong natutulog. Wala masyadong
gumagalaw dito bukod sa ilan-ilang mga taong palakad-lakad. Ang laking
pagkakaiba nito sa makulay, ma-ilaw at maingay na persona nito kapag sumasapit
na ang gabi. Kasama ni Mang Tano, tiningnan nila ang lahat ng sulok ng
peryahan.
"May nakita kayong batang nagngangalang Mike-Mike dito?"
tanong nila sa mga taong-peryahan na makita nila.
Naisip nina Juan at Mang Tano nna maghiwalay para mas
maraming lugar silang mapuntahan. Nagtanong-tanong sila sa paligid at pumasok
pa si Juan sa Bingo Bonanza dahil malaki ang istruktura. Ngunit wala roon si
Mike-Mike.
Patuloy sa paghanap si Juan. Nakikita niya si Mang Tano
paminsan-minsan sa ibang bahagi ng peryahan. Naka-abot siya sa Caterpillar na
sasakyan. Alam ni Juan na para itong maliit na bersyon ng roller coaster na
nasakyan niya na ng isang beses at ayaw niya nang ulitin. Tiningnan ang bawat
karwahe nito at hindi nakita si Mike-Mike o kahit sino. Tiningnan niya rin ang
ilalim ng Caterpillar at sinigurado niyang walang nagtatagong bata doon. Pumunta
na siya sa mga katabing istruktura at tumingin-tingin sa paligid.
Nang nakarating siya sa Ferris Wheel, bigla siyang
napatigil. Lahat ng nakalambitin na karwahe nito ay may nakaguhit na palayok sa
gilid. Naalala niya ang kanyang panaginip at bitgla siyang tumingala para
tingnan ang langit. Ngunit natigilan siya nang makita niya ang malaking
karatula kung saan nakalagay kung anong pangalan ang binigay nila sa sasakyang
iyon. Merong isang malaking palayok na nakatagilid at may natapon na mga barya
sa bunganga nito. Pot O'Gold, sabi pa sa karatula. May hinala si Juan na
makikita niya na dito niya makikita si Mike-Mike, kaya dumiretso siya sa loob
ng bakod upang tingnan ang bawat karwahe.
"Hoy, pare!" biglang may sumigaw. Lumingon si Juan
sa boses at nalaman niyang ito's galling kay Jessie, ang nagpapatakbo ng
sasakyan. Tinitesting niya pala ang Ferris Wheel para masiguradong walang
problema. Naki-usap na lang si Juan na tingnan ang karwahe dahil may hinahanap
siyang bata. Pinapasok niya si Juan sa bakod.
Tiningnan niya ang mga babang karwahe nang may marinig
siyang tunog na parang dalawang bakal na nag-uumpugan. Narinig din pala ito ni
Jessie at tinuro nito ang karwahe sa bandang taas. Umuuguy-ugoy ang karwahe at
maya-maya'y sumilip sa taas ang ulo ni Mike-Mike.
"Wag ka masyadong lumikot!" sigaw ni Jessie kay
Mike-Mike at dahan dahan niyang pina-ikot ang Ferris Wheel para makababa ang
karwahe. Nilapitan ni Juan ang karwahe at nakitang may kasama pala si Mike-Mike
pero natutulog pa ito sa upuan. Halatang kagigising lang ng bata at ginising
ang kasama nito. Tinulungan sila ni Juan na makalabas sa karwahe at sinugurado
niya kay Mike-Mike na wala na itong kasamang iba.
"Mang Tano," sigaw ni Juan at pinaalam na nakita
na si Mike-Mike. Takbo naman si Mang Tano papunta sa bahay nina Dagul para
ibigay ang magandang balita. Matagal siyang nawala kaya naisip na lang ni Juan
na ilibre ng sorbetes ang dalawang bata.
Halos nakaabot na sila apa nang
dumating si Mag Tano, kasama si Dagul at asawa. Nagyakapan ang buong pamilya,
pati na ang batang kasama ni Mike-Mike. Sinabi ko kung saan ko sila nakita at
dumiretso si Dagul at ang kaniyang asawa sa Ferris Wheel. At doon na nagsimula
ang sermon kay Jessie.
Magti-trenta minutes na, kausap pa rin nina Dagul si Jessie.
Naisip nang umuwi ni Juan. Nag-paalam na siya kina Mang Tano, Mike-Mike at
kasama nito.
-END-
No comments:
Post a Comment