Friday, October 24, 2014

Ang Pawikan at Unggoy



Halina't tunghayan ang isang munting kuwento
Sa Mababang Paaralan ng Batibot
Nasa bayang Niwan  ang eskuwelahang ito
Kung saan maraming kahuyan sa palibot.

Isang araw, sa buong paaralan umalingawngaw
Na sinundan ng sigawan at palakpakan ng mga mag-aaral
Ang ingay pala ay isang batingaw
Na nagsasabi sa lahat,"Recess na! Tigil muna sa pag-aaral."

Maraming mag-aaral sa playground pumunta
Sa mga see-saw, sa slides magpadausdos
Ngunit isang bata, si Igan Pawikan, ay hindi masaya
Kaya naghanap na lang ng upuan, umupo, tumingin sa sapatos.

"Hoy, bakit ka nandyan! Recess na. Bakit ka malungkot?"
Tanong ng isa sa mga bata kay Igan Pawikan
Kaya siya'y lumingon sa dakong see-saw, noo ay napakunot
"Sino bang nagsalita? Ako ba ang kausap?" tanong sa sarili ni Igan.

"Igan!" tawag ni Gringgoy Unggoy, nakita rin sa wakas
Nakalambitin pala sa punong malapit kay Igan
"Masaya nga ako, e," kanyang sinabi
Sabay pakita niya ng ngiti na may maliliit na ngipin, panay gums.

"Itigil mo 'yang ngiti," sabi ni Gringgoy, pinipigilang manginig
"Huwag mo nang itangging malungkot ka.
"Bata pa, magkakilala na tayo. Kaya ng isang titig
Para malaman kong nararamdaman mo, o di ba?"

Doon, napabuntong-hininga na si Igan
"Tama ka, Gringgoy," ani niya
"Ang saya kasi nila sa slides! Tingnan mo, meron pang palakpakan
Pero ako hindi puwedeng tumulad sa kanila."

"Bakit naman hindi?" tanong ni Gringgoy
Na ngayo'y bumaba na ng puno para mas madaling magsalita.
"Bakit, bawal ba? Recess naman ha? Dapat di ba enjoy
Maglaro ka dun sa playground at magsaya."

"Gringgoy, di mo ba napapansin
Ang malaking bahay, nakadikit sa likod ko?
At dahil sa lahi kong malaki at bigatin
Sa maraming laro sa playground ay labas ako.

"Pag umupo ako sa isang dulo ng see-saw
Walang gustong umupo sa kabila
Kasi alam nilang nasa taas lang ito
Hindi gagalaw, hindi bababa.

"Pag sa slide naman, nahihirapan akong umakyat ng hagdan
Pag-akyat ko naman, mahirap ring iayos
Ang bahay at ang buong katawan
Para maayos ang pagdausdos."

Doon natapos ang hinagpis ni Igan,
Tumahimik siya pagkatapos nun.
Mukha na namang puno siya ng kalungkutan.
Nagmadali tuloy si Gringgoy na mag-isip ng solusyon.

"Ah, alam ko na!" sabi ni Gringgoy,
Ang daliri niya'y nakaturo sa langit.
"See-saw at slides lang ba ang sa tingin mo'y
Kailangan upang ang saya ay makamit?

"Puwede ka namang tumakbo-takbo
At maglaro ng tag o taya
Mag-anyaya ka ng mga kalaro
Na puwedeng sa iyo ay sumama."

"Pero, Gringgoy," sagot ni Igan, "mabagal akong kumilos
Ngayo, gusto mo pa ako ngayong tumakbo-takbo?
Argabyado yata ako dyan, balagoong na lubos
Hindi naman yata maganda para sa kapakanan ko."

"Hay naku, Igan, subukan mo muna," sabi ni Gringgoy sa kanya
Wala naming mawawala sa iyo.
Bagong kaibigan, magkakaroon ka, ba't mo nasabing argabyado ka
Magiging masaya pa ang recess mo."

"Sige na nga," sabi ni Igan Pawikan
At siya's tumayo sa kaniyang upuan
Ngunit isang hakbang niya papuntang palaruan
Tsaka namang tumunog sa buong paaralan.

Ang batingaw nay un! Ang recess tapos na.
Kailangan nang bumalik ang mga bata sa silid
At si Igan Pawikan, kumusta na?
Hayun, malungkot pa rin, naglalakad, ang bag ay sukbit.

Saturday, October 11, 2014

Announcement


FREE contest for writers of stories on women's roles. Go to http://tinyurl.com/of5zgqz . To be judged by agent Paula S. Munier.

Friday, September 19, 2014

Si Juan at ang mga Palayok


"Mukhang uulan, ha," puna ni Juan habang tumitingin siya sa labas ng kanilang bintana. Parang mga hinog na bungang-kahoy ang mga ulap, kung halimbawang bilugin ang mga bungang-kahoy ang nasa isip mo. At kung halos nangingitim na ang mga bunga dahil sa sobrang hinog. Sa kaiisip  ng mga bungang-kahoy, medyo nanunuyo na ang bunganga ni Juan at nararamdaman niya ng kumukulo ang kaniyang tiyan.

Patuloy ang tingin ni Juan sa labas ng kanilang bahay nang may narinig  siyang lagabog. Galing yun sa bubong namin, isip ni Juan at may narinig uli siyang lagabog na sinundan ng parang may nabasag, doon uli sa dakong bubungan nila. Papunta na sana siya sa pangalawang palapag ng kanilang bahay nang narinig niyang pumapatak na ang ulan sa labas ng kanilang bahay. Malalaki pa  ang mga patak, puna niya at tumingin uli sa labas ng kanilang bintana. Doon niya napansin na kakaiba ang mga pumapatak na ulan. Tiningnan niya itong mabuti. Palayok? Maliliit ngang mga palayok! Ang kakaibang ulan ay pumapatak na sa paligid ng kanilang bahay at may mga basag-basag palayok na naka-kalat sa paligid. Halos hindi na siya makapag-isip sa ingay ng pagbagsak ng mga ito sa bubungan ng kanilang bahay. Maingay na sumilong ang kanilang mga aso, alagang baboy at mga manok, para hindi na sila tamaan pa. Ngunit ang kanilang mga silungan at mga bakod ay nanganganib na masira kung magpapatuloy na babagsak ang mga palayok. Naisip ni  Juan na lumabas ng bahay upang itama ang bakuran ng kanilang babuyan na natumba dahil sa ulan. Iniisip niyang kailangang dagdagan ang mga kahoy ng bakod at medyo natayo niya na nga ito, nang tinamaan siya sa ulo ng isa sa mga palayok. Diretsong tumba si Juan sa putikan. Huling naiisip niya habang dumudilim na ang kanyang diwa sa harap ng mga baboy na nakatingin sa kaniya sa putikan: Aray!



Biglang nagising si Juan sa kaniyang pagkakatulog sa tapat ng TV. Marahil lampas na ng alas-dose ng gabin dahil wala nang makita sa TV kundi static. Pinatay ito ni Juan habang hinihimas-himas ang tuktok ng kaniyang ulo. Nakatulog na naman ako, isip niya, at saka kakaiba ang aking panaginip. Umuulan ng palayok? Anong ibig sabihin 'nun? tanong niya sa sarili. Inisip niya ang kaniyang mga napanood sa TV at sa pelikula sa nakalipas na linggo, dahil baka iyon ang naka-impluwensiya sa kaniyang panaginip. Umiling na lang siya dahil wala siyang maiisip na makabuluhang eksena. Dahan-dahan lumakad si Juan pauntang hagdanan at pumunta sa kaniyang silid para doon ipagpatuloy ang pagtulog.

                                000ooo000

"Juan? Juan!" sigaw ni Mr. Madlang-awa sabay katok ng malakas sa pintuan papuntang silid ng kaniyang anak. Mahilig talagang matulog ng kanyang anak, isip niya. Tama ngang tawagin siyang Juan Tamad.

"Juan! Alas-onse na ng umaga. Galit na ang nanay mo't di ka pa kumaain."

Nasa salas naman si Mrs. Madlang-awa at nagsusulsi ng mga medyas at wala namang makikita sa kanyang mukha kahit maliit na bahid ng galit. Napangiti nga siya nang marinig niyang binaggit ng kanyang asawa ang kanyang pangalan. Sanay na siyang maging panakot para sa kanilang anak.

Tumigil na rin sa pagkatok at pagsigaw si Mr. Madlang-awa. Malamang nagising na rin si Juan. Maya't maya ay bumukas na ang pinto ng kaniyang silid at lumabas si Juan na nakatayo ang buhok at hindi lubos na naibubukas ang mga mata. Dumiretso siya sa palikuran at sinara ang pinto nun. Lampas 10 minuto rin siya doon kaya pagbukas ng pinto, "Nakatulog ka diyan, ano?" tanong ni Mrs. Madlang-awa.

"Muntik lang, nay," sagot ni Juan. Humalakhak ang mag-asawa pero totoo ang sinabi ng kanilang anak. Muntik lang siyang nakatulog, sa harap ng salamin habang nagsisipilyo at habang naka-upo siya sa trono.

"May bibilhin ako sa palengke," sabi ni Mrs. Madlang-awa habang pababa si Juan sa hagdan. "Samahan mo ako, anak."

"Palengke? Yung dyan lang?" sagot ni Juan. "Magdadrive ba o lalakad lang po tayo?"

"Lakad lang. Konti lang bibilhin ko," ani Mrs. Madlang-awa.

Dumiretso si Juan sa kape. Inabot rin niya ang supot ng tinapay at peanut butter. "Opo," sabi niya.

Pagkatapos ng ilang minuto, nagsalita na naman ang kaniyang nanay. "Kelangan na nating umalis. Wala pa tayong tanghalian."

"Hindi pa nga ako tapos mag-almusal," angal ni Juan.

"Kasalanan mo yan," sabi ni Mrs. Madlang-awa habang nilalagay niya ang sinulsing medyas sa basket at pinasok niya ang ginamit na karayom at sinulid sa lalagyan nito. "Ngayon ka lang nagising."

Nagmadaling sinubo ni Juan ang dalawang pandesal at kumaripas sa kaniyang silid para magbihis.

                                000ooo000

Tiningnan ni Juan sa kalangitan habang bumibili ang kanyang nanay ng gulay. Kangkong, sitaw, gabi. Mukhang alam ko ang balak ni nanay lutuin mamaya, isip ni Juan. Konti lang din ang mga ulap at napaka-asul ng langit. Walang senyas ng kahit anong sama ng panahon, isip niya. Medyo napakunot ang kanyang noo.

Nakatapos ng mamili si Mrs. Madlang-awa saka niya napansin na nakatingala si Juan. Pinagtitinginan na angh kaniyang anak ng mga tao sa paligid, pero halatang kinikilig ang ibang mga dalagitang nakatingin dahil maya't maya'y sila'y nagbubulungan at nagtatawanan nang pakubli. Gwapo yata ang anak ko, isip ng mabuting ina, at matangkad pa.

"Hoy, Juan!" tawag niya sa anak dahil mga limang minuto na, hindi pa rin binababa ang ulo. "Manigas nga ang leeg mo dyan."

"Akk!" sabi ni Juan nang binaba ang tingin.

"Tulungan mo nga ako ditto. Kunin mo yung basket," utos ng nanay. "Uwi na tayo."


                                000ooo000ooo

Pagdating nila sa kanilang tahanan, diretso si Mrs. Madlang-awa sa kusina pero nanatili si Juan sa labas ng bahay. Tiningnan niya ang kulungan ng mga baboy. Kailangan nga ng marami pang kahoy para sa bakod, isip niya. Maya-maya'y napansin niyang tumatakbo si Mang Tano sa labas ng kanilang  bakod.

"Mang Tano!" tawag ni Juan. "Bakit kayo tumatakbo?"

"Juan, patawad, nagmamadali ako, e," sabi ni Mang Tano.

Lumabas si Juan ng bakod at tumakbo para maabutan si Mang Tano. "Ano po ba ang nangyari?" tanong niya habang sinasabayan sa pagtakbo si Mang Tano.

"Nawawala daw ang anak nina Dagul. Yung maliit pa, si Mike-Mike. Naglalaro lang daw sa loob ng bahay nila, tapos namalayan na lang nina Dagul, e, wala na siya."

"Di kaya nasa ibang bahagi ng bahay nila? O nasa kapitbahay," tanong ni Juan.

"Hindi, naghanap na sila sa buong bahay. At saka tinanong na nila ang mga kapitbahay, pati na ang kanilang mga kamag-anak na nakatira sa malapit. May nakakita raw na may nag-anyayang kalaro at pumunta sa direksyon na tinatahak natin ngayon."

"Pumunta sila sa peryahan," ang kongklusyon ni Juan.

"Yan rin ang naisip ko," sabi ni Mang Tano.

Pagkalampas nila ng kantong tinutuldukan ng puno ng tsiko, tumambad sa kanila ang malaking loteng kinatatayuan ng peryahan.

Tanghaling tapat kaya animo itong natutulog. Wala masyadong gumagalaw dito bukod sa ilan-ilang mga taong palakad-lakad. Ang laking pagkakaiba nito sa makulay, ma-ilaw at maingay na persona nito kapag sumasapit na ang gabi. Kasama ni Mang Tano, tiningnan nila ang lahat ng sulok ng peryahan.

"May nakita kayong batang nagngangalang Mike-Mike dito?" tanong nila sa mga taong-peryahan na makita nila.

Naisip nina Juan at Mang Tano nna maghiwalay para mas maraming lugar silang mapuntahan. Nagtanong-tanong sila sa paligid at pumasok pa si Juan sa Bingo Bonanza dahil malaki ang istruktura. Ngunit wala roon si Mike-Mike.

Patuloy sa paghanap si Juan. Nakikita niya si Mang Tano paminsan-minsan sa ibang bahagi ng peryahan. Naka-abot siya sa Caterpillar na sasakyan. Alam ni Juan na para itong maliit na bersyon ng roller coaster na nasakyan niya na ng isang beses at ayaw niya nang ulitin. Tiningnan ang bawat karwahe nito at hindi nakita si Mike-Mike o kahit sino. Tiningnan niya rin ang ilalim ng Caterpillar at sinigurado niyang walang nagtatagong bata doon. Pumunta na siya sa mga katabing istruktura at tumingin-tingin sa paligid.

Nang nakarating siya sa Ferris Wheel, bigla siyang napatigil. Lahat ng nakalambitin na karwahe nito ay may nakaguhit na palayok sa gilid. Naalala niya ang kanyang panaginip at bitgla siyang tumingala para tingnan ang langit. Ngunit natigilan siya nang makita niya ang malaking karatula kung saan nakalagay kung anong pangalan ang binigay nila sa sasakyang iyon. Merong isang malaking palayok na nakatagilid at may natapon na mga barya sa bunganga nito. Pot O'Gold, sabi pa sa karatula. May hinala si Juan na makikita niya na dito niya makikita si Mike-Mike, kaya dumiretso siya sa loob ng bakod upang tingnan ang bawat karwahe.

"Hoy, pare!" biglang may sumigaw. Lumingon si Juan sa boses at nalaman niyang ito's galling kay Jessie, ang nagpapatakbo ng sasakyan. Tinitesting niya pala ang Ferris Wheel para masiguradong walang problema. Naki-usap na lang si Juan na tingnan ang karwahe dahil may hinahanap siyang bata. Pinapasok niya si Juan sa bakod.

Tiningnan niya ang mga babang karwahe nang may marinig siyang tunog na parang dalawang bakal na nag-uumpugan. Narinig din pala ito ni Jessie at tinuro nito ang karwahe sa bandang taas. Umuuguy-ugoy ang karwahe at maya-maya'y sumilip sa taas ang ulo ni Mike-Mike.

"Wag ka masyadong lumikot!" sigaw ni Jessie kay Mike-Mike at dahan dahan niyang pina-ikot ang Ferris Wheel para makababa ang karwahe. Nilapitan ni Juan ang karwahe at nakitang may kasama pala si Mike-Mike pero natutulog pa ito sa upuan. Halatang kagigising lang ng bata at ginising ang kasama nito. Tinulungan sila ni Juan na makalabas sa karwahe at sinugurado niya kay Mike-Mike na wala na itong kasamang iba.

"Mang Tano," sigaw ni Juan at pinaalam na nakita na si Mike-Mike. Takbo naman si Mang Tano papunta sa bahay nina Dagul para ibigay ang magandang balita. Matagal siyang nawala kaya naisip na lang ni Juan na ilibre ng sorbetes ang dalawang bata.

Halos nakaabot na sila apa nang dumating si Mag Tano, kasama si Dagul at asawa. Nagyakapan ang buong pamilya, pati na ang batang kasama ni Mike-Mike. Sinabi ko kung saan ko sila nakita at dumiretso si Dagul at ang kaniyang asawa sa Ferris Wheel. At doon na nagsimula ang sermon kay Jessie.

Magti-trenta minutes na, kausap pa rin nina Dagul si Jessie. Naisip nang umuwi ni Juan. Nag-paalam na siya kina Mang Tano, Mike-Mike at kasama nito.

-END-

Tuesday, September 2, 2014

Si Juan at Mga Alimango



Si Juan at mga Alimango

"Anong ginanagawa mo dyan sa taas ng puno?"

Bumulaga na naman ang magandang umaga dito sa Baryo Tambakol. Hindi mapagkakaila na kaming mga taga-rito ay pinagpala ng Diyos. Asul ang langit, maginhawa ang simoy ng hangin na nagpapasayaw sa mga puno ng mangga na nasa gilid ng malawak na palayan. Maganda ang panahon sa nakalipas na dalawang linggo. Hindi talaga maganda ang karanasan ng nakakararami sa nakatira sa baryo tuwing may dumaraan na bagyo, kahit na Signal Number 1. Kailangang magsilikas papuntang kabundukan para maiwasan ang matinding pagbaha dito sa kapatagan. Ngunit sa mga araw tulad ngayon, ang mga panahon ng unos at ang mga kasama nitong kalungkutan at pag-aalala ay madaling makalimutan.

Maliban lang kung kung kapitbahay mo ang mga Madlang-awa at ang gulo na karaniwang pinangungunahan ng kanilang unico iho na si Juan. Juan Tamad ang tawag sa kaniya dahil siguro sa Juan nga ang kanyang pangalan. Dahil din marahil ilang beses isang araw maririnig si Mrs. Madlang-awa (minsan si Mr. Madlang-awa rin) na tumataas ang boses dahil ang anak nila ay umiidlip na naman sa sofa, sa silya sa harap ng TV, sa harap ng bahay, o sa kubeta.

Ngunit hindi siya umiidlip ngayon. Kung ngayon mo lang makikita si Juan, hindi mo nga maiisip na siya'y isang tamad, dahil kumakaripas siya ng takbo at binubulabog niya ang mga manok nila Aling Nena na pabanjing-banjing sa gilid ng daan. Pati ang aso nina Dagul na laging nakahandusay sa harap ng bahay nila ay iniangat ang ulo pagdaan ni Juan. Mukhang papunta si Juan sa malaking puno ng chico sa may kanto, mga limang bahay mula sa kanila. Nang marating niya iyon, para siyang tsonggo umakyat. Medyo mataba ang puno kaya hindi niya talaga ito mayakap, pero wala ito para kay Juan. Huminto lang siya sa pag-akyat pagdating niya sa may gitna ng puno.

"Hindi yata maganda ang gising mo, ha, Juan? Anong ginangawa mo dyan sa taas ng puno?"

Dahan-dahang tumingin si Juan sa baba. Parang nga siya bagong gising; sa totoo lang, mukha siyang na-alimpungatan.

"Juan, bakit ka ba nandyan? At para ka pang nanginginig." Galaw ng galaw ang sanga na kanyang kinakakapitan. Pati na ang mas malaking sanga na kaniyang tinutuntungan.

"Tata Max?" simula ni Juan. "Ano pong-"

"Juan!" sigaw ni Mrs. Madlang-awa na kadarating lang din sa ilalim ng puno. At mukhang iyon lang kaniyang masasabi ngayon dahil hinahabol niya pa ang kaniyang hininga.

"Juan, bumaba ka nga dito," galing ito kay Mr. Madlang-awa na dumating na rin. "Bakit ba bigla kang kumaripas ng takbo? Aatakihin kami sa puso ng iyong nanay sa pabigla-bigla mo."

"Tatay, tatay," sabi ni Juan at medyo nawalan na rin siya ng lakas kasi naupo na lang siya sa sanga na kanina'y tinutungan niya. "Wala bang alimango?"

"Ha?" balik ni Mr. Madlang-awa. "Adobong manok sa gata yata ang ulam natin mamaya."

"Hindi. Mga alimango..." pabulong na sinabi ni Juan. Tumingin na lang siya sa malayo.

"Juan, bumaba ka dyan," ito galing kay Mrs. Madlang-awa. "Ngayon na."

"Opo, nay," sabi ni Juan at tumingin siya sa baba ng puno na parang gulat at nakaakyat siya ng ganun kataas. Ilang minuto pa bago nakababa si Juan, sa tulong ng ilang tao sa na naki-usyoso na rin sa nangyayari.

000ooo000ooo000ooo000

Naka-idlip na naman si Juan, sa kanyang paboritong puwesto sa harap ng TV. Wala nang signal sa telebisyon dahil alas-onse na ng gabi pero siya'y umuungol-ungol ng mahina at minsa'y may bumubulong. Para meron siyang pinapanood na maaksyon na palabas. Sa sobrang pagpupumiglas ng kanyang ulo at leeg, bigla siyang nagising.

"Ang sipit-" malakas yata ang kanyang pagkakasabi niya nito kasi lumabas si Mr. Madlang-awa sa kaniyang kuwarto.

"Ano ba, Juan? Huwag ka namang sumigaw. Nagising tuloy kami ng nanay mo."

"Sorry, tay," sabi ni Juan. "Pupunta na po ako sa kwarto ko. Sorry po." Sinigurado muna ni Juan na naka-lock na ang harap na pinto at saka siya umakyat papuntang kwarto niya.

Nahiga si Juan sa kaniyang kama ngunit ayaw siyang dalawin ng antok marahil dahil sa matagal na siyang natulog sa harap ng TV. Malamang. talagang natakot si Juan sa kaniyang naging panaginip kanina kaya't parang nilalabanan niya ang tawag ng pagtulog.

Naisip niyang maglaro ng video game para hindi siya makatulog kaya't pumunta siya sa kanyang mesa at kinuha niya ang tablet na padala ng tiyo niyang taga-Amerika.

Nasa 600 points na siya sa kaniyang nilalaro nang meron siyang naramdamang nakatingin sa kaniya mula sa kaniyang bintana. Nakikita niya ang bintana sa gilid ng kaniyang mata pero hindi niya ito tiningnan ng diretso. Parang nagsisitindigan ang mga buhok ni Juan at naramdaman niyang para siyang nilalagnat at nanlalamig nang magkasabay.

Pinilit niyang huwag tumingin sa kaniyang bintana. Medyo inurong nga niya ang kaniyang upuan para medyo naka talikod na talaga siya sa bintana. Nang sigurado na siyang hindi na niya nakikita ang bintana kahit sa gilid ng kaniyang mata, tsaka niya napansin na "GAME OVER" na pala ang sinasabi sa kanyang tablet.

Naglaro siya ulit. Malapit nang maka-1000 points si Juan nang may marinig siya na kumakaluskos sa mga puno sa likod ng kanilang bahay.

"Pusa," sabi ni Juan sa sarili kasabay ng mas malakas na kaluskos, malakas na ngiyaw, at maliit na dagundong sa isang dram ng tubig. "Sabi na nga ba pusa," at nagpatuloy siya sa paglalaro.

May dagundong uli sa dram at meron nagsabi ng "Ssssshhhh." Malapit na siyang ng umabot ng 2000 points kaya hindi niya pinansin ang mga ito. Nang merong sumipol.

Binaba ni Juan ang kanyang tablet (pero nandoon pa rin ang kanyang tingin kasi lampas na siya ng 2000 points at iyon ang pinakamataas na naabot niya). Tumingin siya sa kaniyang bintana at nang makita niyang walang kakaiba dito, tumingin na siya sa labas ng kanilang bahay.

Wala ring kakaiba sa likuran ng kanilang bahay. Kung may mga pusa doon kanina, mukhang wala na ang mga ito ngayon.

"Ay, meron pa pala," puna ni Juan. "May kumakaluskos pa." At naisip na niyang labasin at paalisin na ang mga pusa sa likod ng kanilang bahay bago pa nila magising ang kaniyang mga magulang. Lumabas siya ngkuwarto at lumabas sa likod ng kanilang bahay.

Sa labas, dumiretso siya sa mga drum ng tubig sa gilid ng kanilang bahay. Nasa tabi ito ng poso at malapit sa bakod na humihiwalay sa kanilang lote sa malaking lote na tinataniman ng halos lahat ng tao sa kanilang komunidad. Kung sinuman ang nakaisip ng ganitong communal na taniman, di alam ni Juan. Sa ngayon, wala rin doon ang kaniyang isip, dahil palabas ng bakod nila ay kaniyang nakakita ay isang napakalaking alimango.

Sinampal-sampal ni Juan ang kaniyang sarili dahil baka nakatulog siya at nananaginip na naman ng mga higanteng alimango. Hindi talaga siya tulog at nakikita nga niya ang higanteng alimango.

Hindi naman ito talagang higante, dahil mga dalawa't kalahating talampakan lang ito. Pero di hamak na mas malaki nga ito sa mga alimango na kaniyang kinakain.

Mukhang papunta sa kahuyan ang alimango, mga ilang metro papuntang kaliwa. Medyo papahalang ang lakad nito. Napansin ni Juan ang mga mata ng alimango ay parang pulang ilaw na patuloy na patay-sindi-patay-sindi habang patuloy ring gumagalaw ang mga paa nito papuntang kahuyan.

Mga ilang minutong nakalampas na ang alimango sa paningin ni Juan. Napansin din niyang matagal na siyang nakatayo sa bungad ng kanilang pintuan, naiwang bukas kahit dis-oras na nang gabi. Pumasok na lang siya at ni-lock ang pinto at dumiretso sa kanyang kuwarto.

Umupo si Juan sa gilid ng kaniyang kama. Ilang minuto rin  ang lumipas at naisip rin niyang tumayo at tumingin sa labas ng kaniyang bintana papuntang kahuyan.

"Marami kaya ang mga iyon?" pabulong na tanong niya sa kaniyang sarili. Sa kaniyang wari'y may nakikita siyang pulang ilaw na patay-sindi-patay-sindi na gumagalaw sa mga tanim papuntang kahuyan. At sa bandang gilid ng kahuyan may isang malaking kumpol na pulang ilaw na patay-sindi-patay-sindi.

000ooo000ooo000ooo000

Biglang umigtad si Juan mula sa kaniyang pagkakahiga. Merong kumakatok sa kanyang pinto.

"Ano ba? Alas diyes na. Di ka pa rin ba babangon diyan?" sigaw ng kanyang tatay mula sa pinto. "Bakit ba naka-lock itong pinto mo? May tinatago ka ba diyan? Nagpapasama ang nanay mo sa SM sa bayan."

"Opo," sagot ni Juan, nagmamadaling buksan ang pinto. "Di ko po maalala kung bakit ko ni-lock iyan. Magbibihis na po ako para samahan si nanay."

"Kumain ka muna sa baba," utos ng tatay.

Kinse minutos lampas ng alas-nuwebe pa lang pala, sabi ni Juan sa sarili pagkatingin sa malaking relo malapit sa kanilang hapag-kainan. Pero madalas naman siyang sinisindak ng kanyang tatay para biglang magising, kaya't napailing na lang siya.

"Bilisan mo dyan," sabi ng kanyang nanay nasa kusina, "para maaga tayong makakapunta sa SM."

"Opo," sabay lagok ni Juan sa orange juice, "Ano bang gagawin natin doon?"

"Ako, mag-grogrocery," paliwanag ng nanay. "Ikaw, mag-dadrive at mag-bubuhat papunta sa sasakyan."

Dahil alam na niya ang kaniyang mga tungkulin, mga bente minutos na kumain siya. Tatagal pa sana pero minadali na siya ng kaniyang nanay at pinilit na maligo bago sila umalis. Mga bente minutos muli ang tinagal ni Juan sa paliguan at tatagal pa sana kung hindi lang walang patid na katok sa pinto ng paliguan ang ginawa ni Mrs. Madlang-awa. Ilang minuto pasado alas-diyes nasa SM papunta sila ng SM.

Sa supermarket, habang tinutulak ni Juan ang push cart para sa kaniyang nanay, medyo naiidlip na naman si Juan kahit na maya't maya ay may sinasabi si Mrs. Madlang-awa. Maraming tao ang hindi nakakatulog habang nakatayo at naglalakad, pero hindi ito bago kay Juan. Kahit nang nasa pila na sila papuntang kahera, may sinasabi pa rin si Mrs. Madlang-awa habang si Juan ang nagtutulak ng push cart, pero kapansin-pansin na mabigat na ang mata ng binata.

"Juan, uy!" sabi ni Mrs- Madlang-awa sabay palakpak sa harap ng mukha ng kanyang anak. "Hanap ka nga muna ng kape na maiinom bago tayo umuwi. Baka makatulog ka pa diyan sa manibela. Ako na dito."

Iniwan niya ang nanay sa  pila at naghanap ng nagtitinda ng kape. Merong stall na nagtitinda sa malapit pero hindi niya ito pinansin at naglakad pa. Naisip niyang dapat pa siyang maglakad-lakad para magising. Patalun-talon pa siya ng bahagya at pasampal-sampal sa sarili  habang naglalakad nang bigla siyang napatigil.

"Alimango!" kanyang bulalas, pero bigla niyang tinakpan ang kanyang bibig kasi pinagtitinginan siya ng mga tao sa paligid.

Linapitan niya ang alimango habang walang-puknat na tinititigan ito. Halos dalawa't kalahating talampakan ang laki nito. Hindi gumagalaw, naisip ni Juan. Tiningnan niya ang iba pang tinitinda sa stall. Iba't ibang mga pang-dekorasyon sa bahay ang tinitinda dito at pawang lahat ay galing sa dagat. May isa pang malaking alimango ang nasa isa pang eskaparate.

"Good morning, sir," sabi ng saleslady. Tiningnan siya ni Juan mula sa kanyang pagkakatitig sa higanteng alimango at biglang tumigil ang kanyang paghinga.

Hind naman ganoon kaganda ang babae. Mas marami pang mas magandang babae na nakita si Juan. Pero konti lang ang may dimples sa magkabilang pisngi, isip ni Juan, na may kasamang matamis na ngiti at makislap na mga mata.

"Interasado kayo sa alimango?" tanong niya. Tango naman ako. "Medyo mabigat siya kaya ituturo ko na lang. Gawa siya ng isang skulptor na sa malapit lang dito nakatira."

"Iskultor?" sabi ni Juan. "Hindi iyan totoo?"

"Hindi yan totoo, sir. Wala namang alimango na ganyan kalaki," sabi ng saleslady.

"Ah,oo nga naman," sabi  ni Juan sabay sampal sa kanyang noo, "Sorry, medyo ang tanga ko, no?"

"Hindi naman, sir."

"Um, matagal na ba kayo dito, miss? Parang ngayon ko lang nakita  ang stall ninyo. Madalas pa naman ako dito."

"Kabubukas lang namin noong isang araw. Ako nga pala si Beverley," at inabot sa akin ni Beverley ang kanyang calling card. "Gusto mong makita itong starfish. O itong jellyfish."

"Saan ba sila? Ah, ayan! ang galing nga ng pagkakagawa ng starfish. Baka interesado dyan ang nanay ko. Ang nanay ko!" biglang naalala ni Juan ang nanay na nakapila sa supermarket. "Pupuntahan ko muna siya tapos babalik ako."

Pagbalik ni Juan sa supermarket, tapos na ang kanyang nanay na magbayad sa kahera. Nakalagay na ang mga kahon at iba pang bibitbitin sa isa namang pushcart, para dalhin na sa parking lot.

"Saan ka ba nagpunta?" tanong ni Mrs. Madlang-awa. "Diyan lang yung tindahan ng kape, ha."

"Kape? Nakalimutan ko na iyon," dahil nakalimutan niya na nga iyon. "Merong akong nakitang stall na magugustuhan ninyo."

"Ilagay muna natin ang mga ito sa sasakyan, paalala ng nanay. "Hindi natin puwedeng dalhin ang cart kung saan-saan."

Dali-daling tinulak ni Juan ang push cart palabas ng supermarket papuntang sasakyan nila. Dali-dali din niyang pinasok ang kanilang pinamili sa trunk. Gustong malaman ni Mrs. Madlang-awa kung anong klaseng stall ang gustong ipakita sa kanya.

"Nagbebenta sila ng mga dekorasyon para sa bahay," paliwanag ni Juan.  "At lahat ng tinitinda nila ay galing sa dagat, Sculptures ng mga hayop at halaman na galing sa dagat."

"Hmm. Kain muna tayo," pasya ng ng nanay, sabay talikod at naglakad pabalik ng SM.

Isang oras din ang nakalipas nang makabalik si Juan sa stall. Imbes na si Beverley, ibang babae na ang naroon.

"Saan si Beverley?" gustong malaman ni Juan.

"Beverley?" gustong malaman ni Mrs. Madlang-awa.

"Ang galing ng starfish, no, nay?" sabi ni Juan, sabay turo sa starfish.

"Oo nga," sabi ng nanay. "Ano ba yan? Higanteng alimango? Parang totoo!"

"Miss, nasaan yung kasama mo dito," tanong ko sa saleslady na naroon, "si Beverley."

"Si Miss Bevs? Nag-lunch break. Dyan lang yun."

"Salamat. Nay," tawag ko sa nanay. "May nagustuhan ka?"

"Itong parang sea anemone. Magkano yan, ne?" tanong ng nanay sa saleslady. "At saka itong alimango?"

Isang oras pa kaming naglagi sa mall; kalahati nun, nasa stall ng mga dekorasyong-pambahay. Hindi ko na uli nakita si Beverley.

000ooo000ooo000ooo000

"Ilaw-"

Bigla nagising si Juan mula sa isang masamang panaginip. Nakatulog na naman siya sa harap ng TV. Wala nang palabas at pawang static na lang ang makikita sa screen. Pinatay niya ang TV at kinandado ang harap na pinto. Pinuntahan naman niya ang likod na pinto para ikandado, pero tumingin muna siya sa bintana siguraduhing walang nasa labas.

"Wala," pasya niya at umakyat na siya papuntang kuwarto.

Habang nasa hagdan, napailing siya. Akala ko hindi na ako makakatulog doon sa harap ng TV, isip niya. Malapit  doon nakalagay ang malaking alimangong binili ng kanyang nanay. Parang nga itong nakatitig kay Juan. Kulay lumot din siguro yung nakita ko kagabi, dagdag niya sa kaniyang isip. Wala lang pulang ilaw sa mga mata.

Pagkarating niya sa kwarto, nahiga siya pero hindi na naman makatulog. Hindi nga siya kumukurap. Parang meron siyang hinihintay na marinig mula sa kaniyang bintana.

Medyo bumibigat na ang kanyang mga mata nang may marinig siyang kaluskos mula sa labas. Dali-dali siyang bumangon at tumingin sa labas ng kanyang bintana. Nang makita niya ang pulang ilaw na patay-sindi-patay-sindi, dali-dali niyang kinuha ang kanyang jacket at pumunta sa likuran ng kanilang bahay. Naabutan niya na ang pulang ilaw na ilang metro na sa labas ng bakod nila. Nilundag niya na lang ang kanilang bakod para maabutan ang alimango.

"Hndi ako nananaginip, Hindi ako nananaginip," sinasampal-sampal niya ang kaniyang mukha habang sinasabi niya ang mga iyon sa kanyang sarili. May mahinang beep-beep na galing sa mga alimango kasabay ng sindi-patay ng kaniyang ilaw. Nang lumaon, halos kasabay na nito ang pagsampal-sampal ni Juan sa sarili.

Nakarating na ang alimango sa kahuyan. Kaagad na nagtago si Juan sa isang puno habang sinundan niya ng tingin ang pulang ilaw. Nakita niyang dumiretso ang alimango sa isang kumpol ng pumapatay-sindi na pulang ilaw.

Ilan kayang higanteng alimango ang nandito? tanong ni Juan sa sarili. Sa puntong ito, huminto na ang alimngong sinundan niya, ngunit pagkatapos ng ilang sandali, ay naglakd itong muli, kasama ng iba pang tulad nito.

Walang ibang magawa si Juan kundi sundan ang mga alimango. Ngunit hindi matagal ang kanilang lakbay. Tumigil sila pagkatapos ng ilang metro pagdating nila sa isang malaking lawa. Medyo malawak ang lawak at walang puno sa gitna kaya nakapasok ang sinag ng buwan. At doon niya nakitang may kasama palang tao ang mga alimango.

"Isa na namang matagumpay na gabi, mga kaibigan," sabi ng tao (isa pala itong babae kung ibabase sa tinig). "Kailangan na nating bumalik sa ating hari." Sabay talon ng babae sa lawa at sinundan siya ng mga alimango (hindi sila tumalon; naglakad lang).

Mga ilang segundo ring kumukurap-kurap sa kinatatayuan niya si Juan, nakatingin sa wala. Kulay lumot nga ang mga alimango, bigla niyang naisip. Hari? ang naisip niya sunod.

000ooo000ooo000ooo

Wala pa rin siya, isip ni Juan.

Nasa SM siya at umaasa siyang makikita si Beverley sa stall ng mga dekorasyong-pambahay. Mga dalawang oras na siya doon pero hindi niya pa rin nakita ang dilag. Nagpasya na lang si Juan na tanungin ang saleslady doon.

"Wala siya nga yon, e. Hindi siya pumasok. May pinuntahan yata. Baka kailangan ninyo pa nga ornaments para sa bahay. Meron kaming bago."

Nagpasalamat na lang si Juan at umalis. May balak siyang magbantay sa ilog mamayang gabi. Doon lang ako sa mga puno, sabi niya sa sarili, baka makita ako ng mga higanteng alimango, kung ano pa ang mangyari sa akin. Dumiretso siya sa supermarket para bumili ng kape para sa kaniyang planong adventure.

Sa kaniyang pag-drive pauwi, inaamoy-amoy niya ang supot ng kape para hindi maka-idlip habang nagmamaneho.

000ooo000ooo000ooo000

Mag-aalas onse na nang gabi at tulog na naman si Juan sa harap ng TV. Nag-alarm ang kanyang cellphone ng alas-onse, kasi alam niyang maiidlip na naman siya. Kahit nakalimang tasa ng kape na siya. Nakahanda na ang kaniyang jacket sa kalapit na upuan.
 
Lumabas siya sa likod ng kanilang bahay at tumakbo papunta sa kahuyan. Hinintay niyang may dumaan na alimangong may pulang ilaw. Buti na lang may hindi siya naghintay nang matagal. Medyo bumibigat na nga ang mga mata niya. Dalawang magkasunod na higanteng alimango ang dumaan malapit sa kanya at naglakad ng ilang metro papunta sa isa pang grupo ng pulang ilaw. Nang nakasama na ang dalawang alimango sa mas malaking grupo, gumalaw na ang grupo papunta sa gitna ng kahuyan.

Madilim sa kahuyan pero medyo naaninag niya na may sinusundang tao ang mga alimango. Sinundan niya ang grupo. Sa puntong ito naalala ni Juan ang calling card na nahanap niya kanina. Nakalimutan niya na ito at kanina lang niya naalala.

Buti na lang may backlight ang cellphone ko, isip ni Juan habang binabasa ang calling card at tinawagan ang cellphone ni Beverley. Sana mali ang hinala ko, sabi pa ni Juan sa sarili.

May tumunog na telepono sa dakong grupo ng mga alimango. Huminto ang mga pulang ilaw. Medyo nanlumo si Juan pero hindi niya mapagkailang parang pantasya ang mga nangyayari.

"Hello?" sabi ng isang tinig sa cellphone ni Juan. "Sino 'to?"

"Hi, Beverley. Si Juan, " sabi ni Juan. "Nagkita tayo sa SM noong isang araw."

"Ah, oo. Hindi ako puwedeng makipag-usap ngayon. Siguro bukas. Okey lang?"

"Okey. Bukas," at pinutol ni Beverley ang koneksiyon.

Pagkatapos ng ilang sandali, nagpatuloy sa paggalaw ang grupo ng mga pulang ilaw papunta sa gitna ng kahuyan, papunta sa lawa.

Doon, nakita niya si Beverley na lumusong at sinundan ng mga alimango. Nang sigurado na siyang wala nang alimangong susunod pa, lumabas na siya ng kahuyan at umuwi. Akala niya hindi kaagad siya kaagad makakatulog, pero wala na siyang maalala pagkahiga sa kama. Pagkadilat niya, mataas na ang araw at nakasuot pa siya ng maong na pantalon. Kinakatok ng tatay ang pinto ko para bumaba na ako't kumain.

000ooo000ooo000ooo000

Wala na si Beverley.

Pumunta si Juan sa SM nang araw ding iyon at nakita kong nililigpit na ang stall nila. Wala si Beverley doon kahit naghintay siya nang tatlong oras. Tinawagan siya ni Juan sa mga numerong nakalagay sa kaniyang calling card, pero wala.

Nagbantay na naman si Juan sa kahuyan nang gabing iyon, pero walang alimango. Pumunta nga siya sa lawa, sa tulong ng makintab na pinturang nilagay niya sa mga puno. Wala kahit sino o anuman doon. Medyo malabo pala ang tubig dito, sabi ni Juan sa sarili.

Ilang gabi rin niyang binalikan ang kahuyan papuntang lawa, ngunit wala na siyang kakaibang nakita. Tinigil niya ang pagpunta doon pagkatapos maubos ang pangalawang pakete ng kape. Natanggap rin niya sa kaniyang sarili na talagang nahihirapan siyang manatiling gising nang ganong oras.

Nagtanong-tanong nga si Juan tungkol sa lawa sa gitna ng kahuyan at sa kung may nakatira malapit doon, pero walang nakaka-alam.

Ilang buwan ding biglang tumitigil siya kapag may nakikitang pulang ilaw na patay-sindi-patay-sindi. Pinagagalitan na nga siya ng kanyang nanay. Pero nawala rin 'yun. Ngayon, wala na ang habit na iyon. Wala na sila. Wala na siya.

- End -